Thursday, October 1, 2009

Ang Dalawang Pahina ng Buhay

     Paggising sa umaga, mag-aalmusal at mag-lalakad patungong paaralan.  Makikipag-kwentuhan  sa mga kaibigang kaklase at sa bakanteng oras nama'y makikisama sa mga larong mayayayang salihan.  Umuuwi lamang para sa pananghalian at magmamadaling tumakbo patungong paaralan upang makapaglaro muli. Sa pang-hapon na klase, ang  kadalasan ay ang pagpapakopya ng mga guro sa mga estudyante ng mga nakasulat sa pisara.  Halos lahat ay nagmamadaling makatapos at maghihintay na lamang sa oras ng uwian upang makapaglaro muli.  Tumbang preso, tubigan, taguan, moro-moro at shato ay ang mga larong kinagigiliwan.  Kasama na rito ang sipa, tamaang bata at sambutan ng bola, depende sa uso o mapagkakasunduang laruin.  Paglalaro, pag-aaral, pagtulog at pakikipag-kwentuhan sa mga kalaro ang mga kadalasang laman ng isip.  Paminsan minsan nama'y nayayayamot at nababalisa kung napapagalitan o nauutusang kumilos para sa mga gawaing bahay.


     Paggising sa umaga, di na makakapag-aalmusal pa kadahilanang pagkakapos ng oras o minsan nama'y walang maghahain, magluluto o mailuluto.  Sumasakay ng jeep upang makapunta sa lugar ng pinagtatrabahuhan.  Nakapagiisip ng malalim sa byahe, mga bagay bagay na naismaisakatuparan.  Sa pinapasukang trabaho, nakikipagpalitan ng kuro-kuro o kaya'y makikinig sa mga kasagutan na ihinain na mga tanong at kaalaman. Sa pananghalian, mas ginugusto pang hindi na umuwi dahil sa kakulangan ng oras. Mabibilis dapat ang mga kilos upang mas maraming matapos na trabaho para sa araw na yaon.  Ngunit sa sobrang dami ng mga gagawin, kadalasa'y hindi na rin kayang tapusin.  Paghahanda, pagpaplano at pagpapatupad ang madalas na isinasaisip.  Kadalasa'y nagdudulot ito ng pagkayamot at pagkabalisa kung ang mga ito'y hindi naisasakatuparan.  Ang mga inaasam na kakainin sa hapag kainan ay hindi madaling isipin, lalo na kung kulang o gipit para sa pambili ng ihahain.  Ito'y mga obligasyong dapat gampanan, pinansyal man ito o emosyonal.  Tinututukan ang mga ito upang mabuhay at tumakbo ang mga susunod na araw.


     Ito ang dalawang pahina ng buhay.